QUINOY ako!

no place like home…

>> Trip ng barkada, humantong sa trahedya

Nitong nakaraang Byernes ay nabalot ng kalungkutan ang ating barangay dahil sa isang aksidente na kumitil sa buhay ng dalawa nating kabarangay at nagdulot naman ng matinding pinsala sa katawan ng dalawa pa na pawang nasa maagang yugto ng kanilang kabataan.

Ang balitang ito ay nakarating sa may akda sa pamamagitan ng SMS mula sa isang kabarangay at agad namang kumalat sa mga pambansang balitaan sa radyo at telebisyon.

Ayon sa balita, ang aksidente ay naganap bandang 10:30 ng umaga noong Abril 18, 2007.  Ang D’ Liner Bus na byaheng Casiguran, Aurora, may body number 558 ay pababa na  sa matarik at matulis na kurbada (bagay na tinaguriang “Horseshoe” ang accident-prone na bahaging ito) sa kilometer 10, Brgy. Malbang, Pantabangan, Nueva Ecija, nang mawalan ng preno ang naturang bus at tuluyang mahulog sa bangin sa lalim na may 20 metro.  Siyam na pasahero ang napaulat na nasawi –kabilang na ang ating dalawang kabarangay– samantalang nasa 30 naman ang nasugatan.

Namatay sa naturang aksidente sila James Gideon Rolando “Jed” C. Santiago, 15 at Rogene “Ogene” Ronquillo, 16.  Matindi naman ang natamong sugat at pagkabali ng ilang  parte ng kanilang katawan nina Jansenn V. Dacumos, 16 at  Edison “Aries” M. Cortez, 15.

Si Jed Santiago, anak nina Ceferino “Cefe” Santiago at Marilou “Malou” Cortez, ay nag-aral sa Aurora National Science High School sa Baler, Aurora, at 3rd Year na sana sa pasukan.  Si Ogene Ronquillo, number 1 SK Kagawad, (nasa larawan) ay anak nina Diogenes “Pong” Ronquillo at Rowena “Weng” Uraga na  tubong Pantabangan, Nueva Ecija.  Si Jansenn Dacumos, kasalukuyang SK Chairman ng ating barangay, ay anak nina Edgardo “Garet/Gary Boy” Dacumos at Rowena Viloria.  Sina Ogene at Jansenn ay kapwa katatapos lang ng sekondarya sa Eliseo Ronquillo Memorial National High School (ECRMNHS) at nasaksihan pa ng may-akda ang programa ng pagtatapos nila noong nakaraang Marso.  Si Aries Cortez, pinsan ni Jed Santiago, ay anak nina Engr. Edison Cortez at Nancy Cortez at 4th Year na sa ECRMNHS sa pasukan.

Ayon sa bagong ulat, kahapon ay inihatid na sa kanyang huling hantungan si Jed Santiago.  Nakarating ang kanyang amang si Cefe Santiago mula sa Dubai tatlong araw matapos ang aksidente at nasulyapan sa mga huling pagkakataon ang kanyang anak na minalas mapabilang sa mga nasawi.  Kasalukuyan namang nakaburol pa ang labi ni Ogene Ronquillo sa Pantabangan, Nueva Ecija habang hinihintay pa ang kanyang ina mula sa ibang bansa na inaasahang darating sa Byernes upang mailipat na ang labi ni Ogene sa ating barangay sa mga susunod na araw.  Sina Jansenn Dacumos at Aries Cortez naman ay kasalukuyan pa ring ginagamot sa kanilang tinamong sugat at bali sa katawan at nakatakdang sumailalim pa sa operasyon sa Premier Hospital at PJG Hospital sa Cabanatuan City, ayon sa pagkakasunod.

Ang apat na magkakabarkada ay sumakay sa nasabing bus galing lamang sa Pantabangan, Nueva Ecija,  kung saan sila ay dumalo sa kaarawan ng lola ni Ogene Ronquillo.  Ayon pa sa kuwento, ang magkakaibigang ito ay nag-uling pa ng kahoy sa bundok ng Detapalyen sa loob ng tatlong araw upang may ipagbili at makalikom ng pamasahe papunta sa nasabing okasyon.

Tunay ngang hindi maiwasan ang aksidente kung talagang darating ito kaninuman lalo pa at wala ito sa iyong kamay at nagkakataon lamang na sa iyo ito tumatapat.  Nang maganap ang aksidenteng ito, ang mga Barangay Officials ng ating barangay ay kasalukuyang nasa isang seminar sa Baguio City.  Dahil sa kawalan ng appropriation ng SK para sa nasabing seminar ay hindi nakasama dito si SKC Jansenn Dacumos.  Samantala, may natanggap din tayong ulat na ang isa pang ka-tropa ng magkakabarkadang ito na si Wen-wen Lomboy ay hindi nakasama sa nasabing lakad ng grupo dahil sa kawalan ng “badyet”.

Isang napakalungkot na pangyayari sa trahedyang ito ang pagkakadamay ng dalawa nating mga kabarangay na kasalukuyang paakyat pa lang sa kanilang mga pangarap sa buhay.   Batid natin ang pagsasakripisyo ng kanilang mga magulang sa ibang bansa sa pag-asang mabigyan ng magandang kinabukasan ang kanilang mga anak.  Nawa’y maging matatag sila pagtanggap sa mabigat na hamon ng buhay na katulad nito.

Lubos ang ating pakikiramay sa mga pamilya ng nasawi na sina Rogene Ronquillo at Jed Santiago.  Sama-sama din tayong manalangin para sa agarang paggaling nina SKC Jansenn Dacumos at Aries Cortez.

Lahat ay inaanyayahang magkumento sa post na ito para  sa inyong karagdagang impormasyon, o pagtatama , o paglilinaw, at pagpapaabot ng tulong at pakikiramay.

(With Reports from Brgy. Capt. Onasis Ronquillo; photo courtesy of Nick Marzan)

April 24, 2008 - Posted by | Sad News

1 Comment »

  1. pare ku..di kita makakalimutan,cge boks..magkikita pa rin uli tayu.

    Comment by 37 | February 23, 2009


Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s