QUINOY ako!

no place like home…

>> INTERNET, ABOT-KAMAY NA SA BRGY. QUIRINO SA PAGBUKAS NG 1 COMPUTER SHOP

Mas lalo pang lumapit sa ating mga kabarangay ang teknolohiya ng internet sa pagbubukas ng isang computer shop sa ating barangay.  Bagama’t may tatlong taon na rin na naiparating sa mga malalayong lugar katulad ng Quirino ang internet sa pamamagitan ng Smart Bro, ito ay lalo pang magiging abot-kamay para sa mga ordinaryo nating kabarangay dahil ito ay ma-aavail na sa konting halaga sa konting panahon na kailangan ito.

 

Ang bagong bukas na computer shop ay pagmamay-ari at pinangangasiwaan ni Adriel Gabano, anak ni Ader Gabano.   Si Adriel ay matagal ding nasa Smart Broadband group na nagiinstall ng internet connections sa ibat-ibang dako ng Luzon, at napagpasiyahan nyang magbitiw sa nasabing trabaho upang tutukan ang kanyang bagong business venture.  Ang shop na pinangalanan niyang  Niknok Computer Shop ay may limang unit ng personal computer na nakakabit sa linya ng Smart Broadband at ito ay matatagpuan katabi ng malaking waiting shed (sa tapat ng bahay ni Aling Nena Trinidad) sa ating barangayIto ay binuksan noong May 27, 2008, at kasalukuyan nang nagbibigay ng serbisyo para sa internet browsing, online games, computer jobs and printing, atbp.  Php25 kada oras ang online games samantalang Php30 kada oras naman ang bayad sa internet browsing.

 

Ayon kay Adriel, maganda rin ang naging hatak ng nasabing negosyo sa mga tao.  “Malakas din, kinukulang pa nga yung 5 units kaya pag nakaipon ng kita ay bibili pa kami ng karagdagang units”, ani Adriel.  Ayon sa kanya ang negosyong ito ay napondohan sa pagtutulungan nila ng kapatid na si Abezor, na kasalukuyan namang nasa internet installation job sa  kompanyang Globe, at sa tulong din ng kanilang mga magulang.

 

Ang pagtatayo ng computer shop sa Quirino ay minsan na ring sumagi sa aking isipan, subalit dala ng ibang takbo ng buhay ay hindi ko na ito naisakatuparan.  Nakita ko ang potensyal na maaring kumita ito dahil sa lumalaki na ring populasyon ng ating barangay idagdag pa rito ang mga bisita mula sa mga karatig-barangay, at dahil na rin sa pangangailangan ng mga mag-aaral sa QES at ECRMHNS.

 

Ako man ay nasiyahan sa balitang ito dahil mapapadali na ang pagpapaabot ng impormasyon sa ating blog at sa ating mga kaibigan sa malalayong lugar.   Di ko na kailangang pumunta ng bayan ng Maria o Baler na kailangan pang gumasta ng pamasahe o pambili ng isang litro ng gasolina.

 

Kaya’t sa ating kabarangay na nagbukas ng computer shop na ito, mabuhay ka! Nawa’y lumaki pa at umasenso ang iyong naisipang negosyo.  Galing mo Adriel! Galing ng Quinoy! 

 

______________________________

<<< Si Adriel Gabano, may-ari ng Niknok Computer Shop

Kilalanin siya at TINGNAN DITO ang iba pa nyang larawan.

 

 

July 6, 2008 Posted by Stallion | New Image & Development | | 69 Comments